Nakumpirma na ni Senator Ronald Bato Dela Rosa ang napabalitang pagkansela ng gobyerno ng Estados Unidos sa kanyang Visa na dapat ay hanggang 2022 pa valid.
Ayon kay Dela Rosa, nitong January 20 nya natanggap ang opisyal na sagot ng US Embassy sa kanyang pagtatanong at walang inilagay na dahilan.
Sabi ni Dela Rosa, nakasaad sa liham ng US Embassy na kailangan niyang mag-apply muli at sumailalim sa proseso kung gusto nya na makakuha muli ng US Visa.
Sa ngayon ay wala pang plano si Dela Rosa na mag-apply ng Visa maliban na lang kung pagbibigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ni US President Donald Trump na bumisita sa Amerika at sya ay yayaing sumama.
Aminado si Dela Rosa na masama ang kanyang loob dahil naging puspusan naman ang kanyang pakikipag-ugnayan at pagtulong sa kanyang mga counterparts sa Federal Bureau of Investigation at Central Intelligence Agency.
Idinahilan din ni Dela Rosa na kaya ito ay kanyang ikinakalungkot ay dahil hindi na niya madadalaw ang kanyang kapatid sa Amerika.
Binanggit din ni Dela Rosa na ang alingasngas noon sa kanselasyon sa kanyang US Visa ang rason kaya hindi siya nakapanood ng laban ng kaibigang si Senator Manny Pacquiao na ginanap sa Las Vegas noong nakaraang taon.