Senator-elect Robin Padilla, handa nang makipag-debate sa Senado

100 porsyento ng handa si Senator-elect Robin Padilla na gampanan ang kanyang tungkulin sa Mataas na Kapulungan.

Pangunahing binanggit ni Padilla na handang-handa na siya sa pakikipag-debate sa mga kapwa senador gamit ang wikang Filipino at hindi English dahil mga Pilipino naman aniya ang kanyang makaka-debate.

Bilang bahagi ng kanyang preparasyon ay nagtungo ngayong araw sa Senado si Padilla para sa kanyang request na briefing ng Senate legislative department.


Sabi ni Padilla, ang nabanggit na briefing ay rekomendasyon sa kanya ng Developmeng Academy of the Philippines (DAP).

Kasamang tinalakay sa briefing ang mga proceeding sa Senado tulad ng pagsasagawa ng committee hearing at pagdalo sa plenary session.

Bukod sa Senate orientation, una ng sumalang si Padilla sa briefing ukol ekonomiya, foreign policy at iba pang aspeto na may kinalaman sa kanyang pagiging senador.

Tiwala si Padilla na magiging madali lang para sa kanya ang pagiging senador dahil ito ay kagustuhan nyang gawin bagama’t aminado siyang naninibago.

Samantala, ayon kay Padilla ay wala pang kumakausap sa kanya kaugnay sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revisions of Codes na nais niyang pamunuan para sa isinusulong niyang pederalismo.

Facebook Comments