Parami ng parami ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na dumudulog sa programa sa radyo ni Senator-elect Raffy Tulfo.
Sabi ni Tulfo, maraming OFWs ang humihingi ng tulong sa kanya dahil inabuso, minaltrato, hindi pinasweldo, ibinenta ng kanilang amo, natapos na ang kontrata at iniwan na lang basta sa ere ng kanilang agency, walang mapuntahan, at walang pamasahe pauwi sa Pilipinas.
Bunsod nito ay hiniling ni Tulfo sa Department of Foreign Affairs (DFA), at sa mga Philippine Overseas Labor Officers (POLO) sa iba’t ibang bansa na ayusin ang serbisyo sa mga OFWs.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Tulfo na bilang uupong chairman sa 19th Congress ng Senate Committee on OFWs ay pangunahin niyang sisilipin ang operasyon ng POLO.
Ito ay dahil may mga reklamo at reports na natatanggap si Tulfo na mabagal umanong umaksyon ang POLO sa mga kaso at hinaing ng OFWs.
Binanggit ni Tulfo na kanya ring aalamin ang dahilan ng maraming reklamo ukol naman sa makupad na proseso ng passport renewal sa DFA office.