Umapela ng pang-unawa at paumanhin sa kanyang mga tagasuporta at mga kababayan si Senator Christopher Bong Go kasunod ng kanyang pinal na desisyong hindi na tumakbo sa pagkapangulo.
Sinabi ni Go na aminado siyang malungkot pero umaasa siyang mauunawaan ng mga ating kababayan ang kanyang pagsasakripisyo alang-alang sa kanyang pamilya, kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa sambayanan.
Kinumpirma ni Go na nirerespeto ni Pangulong Duterte ang kanyang desisyon nang magkausap sila lalo na at sangkot ang pamilya.
Samantala, umapela si Go sa kanyang mga tagasuporta na tulungan si Pangulong Duterte na makahanap ng susuportahang kandidato para masigurong maipagpapatuloy ang mga magagandang nasimulan ng kanyang administrasyon.
Nanawagan din si Go sa kanyang mga tagasuporta na huwag na siyang abangan sa Commission on Election (COMELEC) dahil nasa Mindanao siya at namamahagi ng tulong sa mga nangangailangan.