Hiniling na ni Senator Imee Marcos na itigil ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil nagiging ugat na ito ng iba’t ibang krimen sa bansa.
Ayon kay Marcos, aminado siya noong una na pabor siya sa POGO dahil pinagkukunan ito ng kita ng bansa.
Pero, dahil aniya sa magkakasunod na krimen na may kaugnayan sa POGO ay mas malaki ang perwisyo nito kumpara sa benepisyong naibibigay sa bansa.
Hindi aniya sapat ang ibinabayad ng bansa sa mga krimen, kidnapping at abduction na nangyayari sa mga POGO.
Giit ni Marcos, kung hindi kayang i-regulate o kontrolin ang POGO ay mas mabuting itigil na ito dahil kung tutuusin ay maliit lang ang kinikita dito at posibleng mas malalaki pa ang mga “under the table” sa gobyerno.
Dagdag pa ng senadora, idinulog na niya ang isyu sa kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos pero dedesisyunan pa kung paaalisin na sa bansa ang mga POGO.