Senator Manny Pacquiao, humingi ng tulong kay US President Joseph Biden para mapabilis ang delivery ng Moderna COVID-19 vaccine

Sa pamamagitan ng isang liham na may petsang April 10, 2021, humingi ng tulong si Senator Manny Pacquiao kay US President Joseph Biden para mapabilis ang delivery ng 20-milyong doses ng Moderna COVID-19 vaccine na inorder ng gobyerno at pribadong sektor.

Naunang ini-anunsyo na sa June 2021 pa darating sa Pilipinas ang unang batch ng Moderna doses.

Sa ngalan ng mamamayang Pilipino at ng Filipino-American Community, hiniling ni Pacquiao na maideliver agad sa bansa kahit ang 10-milyong doses ng bakuna upang makasalba ng maraming buhay.


Diin ni Pacquiao sa liham, dumaranas tayo ngayon ng matinding krisis pangkalusugan dahil sa nakakaalarmang paglobo ng kaso ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila.

Bilang tugon ay nagpadala ng liham kay Pacquiao ang US Embassy na may petsang April 22, 2021 at sinabing naipaabot na sa tanggapan ni President Biden ang kanyang request.

Nakasaad sa liham na isang karangalan sa US Embassy Manila na makatulong sa mga kaibigan at kaalyadong bansa para magkaroon ng bakuna gayundin sa paggamot ng mga pasyente at pagpigil na kumalat pa ang COVID-19.

Kalakip din ng liham ang detalye ng tulong ng Amerika sa laban ng Pilipinas sa pandemya.

Facebook Comments