Nilinaw ni Senator Imee Marcos sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi wholesale school openings at hindi full in-school schedule ng klase ang kanyang iminumungkahi.
Ayon kay Marcos, ang rekomendasyon niya ay maging bahagi ng blended learning effort ang ilang beses sa isang linggo lang na face-to-face classes kahit isang hanggang tatlong oras lamang.
Ipinunto pa ni Marcos na mas matipid din ang limitadong face-to-face classes kumpara sa gastos sa pagbili ng tablets, laptops, Wi-Fi installations, pocket routers, at pag-xerox o printing ng learning modules.
Dagdag pa ni Marcos, ang kanyang mungkahi ay hindi maituturing na pagmamadali sa pagbubukas ng klase dahil ang Pilipinas ay isa sa mga bansang huling nagsimula ng pasukan.
Diin pa ni Marcos, hindi rin magiging superspreaders ng COVID-19 ang face-to-face classes basta’t may kaakibat itong istriktong pagpapatuapd ng health protocols.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Marcos ang Inter-Agency Task Force (IATF) na maglatag ng parameters para sa school openings at hayaan ang local school boards, Local Government Units (LGUs), DepEd, at parent-teacher associations na magpasya sa nararapat na kombinasyon ng blended learning sa kani-kanilang mga lugar.