Iginiit ni Senador Imee Marcos na dahil sa pandemya ay libo-libong mga botanteng dehado sa kalusugan at sa kanilang kinaroroonan ang hindi makakaboto sa 2022 maliban na lang kung maikakasa ang mail-in voting o paghulog sa koreo ng kanilang boto.
Ito ang dahilan kaya inihain ni Marcos ang Senate Bill 1870, o ang Voting by Mail Act para sa kapakanan ng mga senior citizen, mga buntis, persons with disability at indigenous peoples.
Paliwanag ni Marcos, na siyang Chairman ng Committee on Electoral Reforms, ang postal voting ay hindi na bago sa ating batas dahil nasubukan na ng mga Overseas Filipino Workers sa mga nagdaang eleksyon.
Para naman kay Senator Joel Villanueva, mainam na pag-aralan kung maaring gawin sa Pilipinas ang mail-in voting na ginawa rin sa Presidential Election sa Estados Unidos.
Katwiran ni Villanueva, pinapayagan na rin sa ating bansa ang mail-in voting sa ilalim ng Overseas Absentee Voting Law na daan para makaboto rin ang mga Pilipino sa abroad.