Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa 64.72 porsyento ng mga senior citizen ang nabakunahan kontra covid-19 mula sa Lungsod ng Cauayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega sa ginawang panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Gayunman, problema pa rin aniya ang ilan sa mga senior sa Lungsod dahil sa takot pa rin magpabakuna.
Dahil ditto, hiniling ni Arcega sa bawat Presidente ng Senior citizen sa barangay na pangunahan ang paghikayat sa mga kabarangay na kasali sa A2 o mga senior citizens at A3 priority group o mga may comorbidities upang makamit ang 100 porsyentong target na mabakunahan.
Batay aniya sa datos ng Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) at DSWD sa Lungsod, nasa 10,105 na senior citizens aniya ang nakarehistro at inaasahan pang madadagdagan ang bilang nito.
Inaasahan din ani SP Arcega na bakunado na ang lahat ng mga senior citizen sa darating na Disyembre.
Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang vaccination ng lokal na pamahalaan sa Lungsod lalo na sa mga nasa A2 at A3 priority group gamit ang mga iba’t-ibang brand ng bakuna.
Samantala, isinuwestiyon ni SP Arcega na sana’y ikonsidera din ng DOH na maisabay na mabigyan ng bakuna ang mga nag-aalaga ng mga may sakit o comorbidity sa Lungsod.