SENIOR CITIZENS, TAMPOK SA SCIENCE-BASED OUTREACH ACTIVITY NG NRCP SA PANGASINAN

Isinagawa kahapon, ika-11 ng Hunyo 2025 ang isang makabuluhang outreach activity para sa mga senior citizens sa Pangasinan State University sa bayan ng Lingayen, Pangasinan, na may temang “Science for Healthy Aging: Promoting Wellness and Sustainable Practices.”

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng National Research Council of the Philippines (NRCP) sa pakikipagtulungan ng Pangasinan State University (PSU) at Coalition of Services for the Elderly (COSE).

Layunin nitong bigyang-pugay ang mahalagang kontribusyon ng mga nakatatanda sa lipunan, at palakasin ang kanilang kaalaman sa pangangalaga ng kalusugan at kapaligiran.

Ayon kay Dr. Ramon Christian Eusebio, Bise Presidente ng NRCP, isang mahalagang hakbang ang aktibidad na ito upang kilalanin at pahalagahan ang mga lolo at lola, habang binibigyan sila ng mga kasanayang makatutulong sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si G. Arcadio Edades, Presidente ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng Bolosan, Dagupan City, sa mga organisasyong nanguna sa programa. Aniya, malaking tulong ito sa paglinang ng kakayahan ng mga nakatatanda upang manatiling produktibo at may saysay ang kanilang pamumuhay.

Sa kaganapan ay isinagawa ang iba’t ibang workshop na nakatuon sa pangangalaga sa kalikasan, at mga aktibidad na tumutugon sa emotional at mental wellness ng mga lumahok na senior citizens.

Ang NRCP ay nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) at patuloy na nangunguna sa pagsasagawa ng mga pananaliksik na may malaking ambag sa pag-unlad ng bansa, lalo na sa larangan ng agham para sa kapakanan ng bawat mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments