Nakapagserbisyo ng mahigit 98 milyong mga pasahero sa buong bansa ang Service Contracting Program simula April 11 hanggang July 6, 2022.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinimulan muli ang programa sa ikatlong pagkakataon sa NCR-EDSA Busway Carousel sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Nagbukas din ng ruta ang PITX-NLET, at Cubao-NLET para sa mga mananakay na patungo at palabas ng Metro Manila mula Region 1, Region 2, Region 3 at CAR.
Habang inaasahan naman ang pagbubukas ng mga karagdagang ruta at pag-arangkada ng mga karagdagang PUV unit para sa ‘Libreng Sakay’ sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang Service Contracting Program ay may layuning matulungan ang mga operator at driver na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sa pamamagitan ng programa ay babayaran ng gobyerno ang mga kalahok na operator at driver base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo.
Dagdag pa rito, ang mga healthcare workers at Authorized Persons Outside of Residence (APOR) ay naseserbisyuhan sa pamamagitan ng libreng sakay.