
Malinaw para kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na ang tunay na layunin ng sunud-sunod na paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay upang pagtakpan ang isyu at mga imbestigasyon ukol sa malawakang korapsyon sa pera ng taumbayan.
Sabi ni Rep. Pulong, nitong mga nakaraang buwan ay napakaingay ng kaliwa’t kanang imbestigasyon sa nabunyag na maanumalyang flood control projects pero bigla na lang itong nawala na parang bula, naging tahimik, walang paliwanag at walang resolusyon.
Kapansin pansin ayon kay Rep. Duterte na habang abala ang publiko sa ingay at drama, ang pinakamalaking anomalya sa kasaysayan ng flood control spending ay unti-unting itinutulak palabas ng usapan.
Bunsod nito ay hindi na magtataka si Congressman Paolo kung sa darating na anibersaryo ng EDSA People Power ay wala na sa mga panawagan ang flood control anomaly na hindi na nga naresolba ay sinadya pang ibaon sa limot.
Ayon kay Duterte, pwede nilang patigilin ang usapan, pero hindi nila kayang burahin ang katotohanan niluto at kinorap ang national budget mula 2023 hanggang 2025 habang naging simbolo naman ng kabiguan at pangungurakot ang mga flood control projects sa halip na magbigay ng proteksyon sa mamamayan.










