Ipinagpaliban na muna ngayong araw, August 17 at hanggang bukas, August 18, 2020 ang pagsasagawa ng sesyon sa plenaryo sa Mababang Kapulungan.
Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, ito ay para bigyan ng sapat na panahon ang mga kongresista na mag-focus sa bicameral conference committee ng Bayanihan 2 at ang mga komite na tapusin ang mga report sa mahahalagang panukalang inaprubahan bago isalang sa plenary deliberations.
Mamaya sa plenaryo ay bubuksan at isasara rin agad ng Committee on Rules ang sesyon.
Hinihikayat naman ng house leadership ang mga komite na dinggin ang mga priority measures sa pamamagitan ng Zoom upang maisalang na ito sa plenaryo sa huling linggo ng Agosto at makapagsimula na ang Kamara sa budget hearings sa unang linggo ng Setyembre.
Matatandaan na noong nakaraang Miyerkules ay hindi rin nagsagawa ng sesyon ang Kamara bunsod ng panawagan ng ilang mga empleyado sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Batasan.