Shortlist para sa susunod na PNP Chief, naisumite na kay Pangulong Rodrigo Duterte

Nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng mga heneral na pagpipilian para maging susunod na Philippine National Police (PNP) Chief.

Ito ay sa harap ng nakatakdang pagreretiro sa serbisyo ni PNP Chief Police General Archie Gamboa sa September 2, 2020.

Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, dalawang linggo na ang nakalilipas nang isumite ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Pangulo ang listahan ng mga heneral na inirekomenda niya para maging Chief PNP.


Pero, wala aniya siyang impormasyon kung sino-sinong heneral ang inirekomenda ni Secretary Año sa Pangulo.

Ngunit kung seniority aniya ang pag-uusapan, otomatikong kasama sa pagpipilian ang mga miyembro ng command group na sina PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Camilo Cascolan, PNP Deputy for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar at si Chief of Directorial Staff Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag.

Maaari rin na pumili ang Pangulo ng heneral na wala sa command group at may ranggong Brigadier General o one-star ranked.

Una nang kinumpirma ni Banac na unti-unti nang nagpapaalam si PNP Chief Gamboa sa hanay nang PNP, sa harap ng mga balitang maaari siyang ma-extend sa pwesto.

Facebook Comments