Manila, Philippines – Kalaboso ang dalawang pulis Maynila habang iniimbestigahan ang apat na iba pa dahil sa reklamong pangingikil.
Nakilala ang dalawang pulis na sina PO1 Erdie Bautista at PO1 MJ Cerilla na kapwa nakadestino sa Manila Police District – District Special Operations Unit (MPD-DSOU) habang kasama din inalis sa pwesto ang hepe nila na si Police Chief Inspector Joselito De Ocampo.
Ayon kay MPD District Director Chief Superintendent Rolando Anduyan, dumulog sa himpilan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) sa Kampo Krame ang kaanak ng isang suspek sa human trafficking.
Sinasabing aabot sa P100,000.00 ang unang hiningi ng mga pulis hanggang magkatawaran at bumaba ito sa P50.000.00 kung saan ikinasa ang entrapment operation sa MPD headquarters dahil dito isinagawa ang transaksiyon.
Galit na galit naman si Anduyan dahil sa kabila ng sunod-sunod na operasyon laban sa mga pulis ay tuloy parin ang masama nilang aktibidad kahit pa mataas na ang kanilang sweldo.
Bukod sa sibak sa serbisyo, sasampahan din ng kasong kriminal at administratibo sina PO1 Cerilla at PO1 Baustista.