Sikat na cosmetics company, kinasuhan ng DOJ dahil sa tax evasion

Nagsampa ang Department of Justice (DOJ) ng kasong kriminal laban sa cosmetics company na Ever Bilena at corporate officers nitong sina Dioceldo Sy, at Miami Siytiaco dahil sa tax evasion at hindi pagbibigay ng tamang impormasyon kaugnay sa tax returns.

Ito ay sa ilalim ng pinaigting na kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Run After Fake Transaction (RAFT) Program na layong habulin ang mga gumamit ng pekeng resibo at umiiwas sa tamang pagbabayad ng buwis.

Batay sa imbestigasyon ng RAFT Task Force, gumamit ng ghost receipts ang Ever Bilena mula sa Decarich Supertrade Inc. na isang pekeng kompanya.


Dahil dito, bumaba ang taxable income ng Ever Bilena at nabigo rin silang bayaran ang tamang halaga ng buwis.

Nitong unang araw ng Pebrero nang maghain ng reklamong kriminal si BIR Commissioner Romeo Lumagui sa DOJ.

Batay sa imbestigasyon ng Justice Department, nakitaan ng sapat na ebidensiya para mahatulan ang Ever Bilena.

Hinihintay na ang warrant of arrest na ilalabas ng Quezon City Metropolitan Trial Court laban sa mga corporate officers nito.

Facebook Comments