
Hindi nagustuhan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pagbibiro ng mga kandidato sa mga bulnerableng sektor.
Ani Gatchalian, dapat itaas ang antas ng diskurso sa kampanya at iwasang gumamit ng mga biro na nakaaalipusta sa mga nasa vulnerable sector.
Kasunod ito ng isang viral video kung saan nagpahayag ng malisyosong komento isang lokal na kandidato sa mga solo parent.
Giit ng kalihim, hindi nakakatawa ang ganitong pahayag dahil mistula itong pangmamaliit sa sektor.
Ayon sa kalihim, ang mga solo parent ay mga bayani sa totoong buhay na nagsusumikap upang may maihain na pagkain sa kanilang pamilya sa kabila ng lahat ng pagsubok.
Paalala nito sa mga kandidato, huwag maliitin ang mga botante at panatilihin ang kanilang interes sa pamamagitan ng paghahayag kung ano ang maitutulong sa kanila, imbes na gawin silang punchline ng mga biro.