Ito ay makaraang opisyal na buksan muli ng Protected Area Management Board (PAMB) ang isla para sa mga nais bumisita na na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang Department of Tourism (DOT), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at ng lokal na pamahalaan ng Santa Ana.
Inihayag ni PENRO chief Engr. Eliseo Mabasa, kailangan munang magpatala sa Registration Area ang mga nais bumisita sa isla kung saan kailangang magpakita ng valid ID bilang patunay ng pagmamay-ari ng vaccination card.
Pinaalalahanan din ang mga turista na sa mga accredited boat operator lamang sumakay na kinabibilangan ng Palaui San Vicente Motor Banca Association (PASAMOBA) at tangkilikin ang mga accredited tour guide na dumaan sa pagsasanay ng DOT.
Mahigpit nang ipinagbabawal ang anumang uri ng vandalism, ang pagka-camping sa mismong isla, pagsisindi ng bonfire at pangunguha ng anumang wildlife resources na matatagpuan sa isla.
Malaking tulong naman ayon kay Technical Assistant at OIC ng Cagayan Offices ng CEZA ang panunumbalik ng turismo sa bayan ng Sta. Ana mula sa pandemya lalo na’t tinagurian itong ‘Number 1 Tourism Destination’ batay na rin sa datos ng DOT Region 2.
Nagpasalamat naman si DOT Regional Director Fanibeth Domingo ang dedikasyon at pagod na inilaan ng CEZA tourism division at ng Santa Ana Municipal Tourism Office hanggang sa muling pagbubukas ng isla.
Samantala, matatandaan na ginastusan ng DENR ang mga pasilidad sa Palaui Island Protected Landscape and Seascape (PIPLS) na may pondong P4.7 milyon.
Sa huling DENR statistics, ang naturang marine protected area ay may lawak na 102 ektarya ng mangrove, 1,008 ektarya ng coral reef at 472 ektarya ng seagrass.
Matatandaan na taong 2014 ay naitampok ang ganda ng Palaui Island sa buong mundo nang idinaos dito ang ika-27 na season ng sikat na US reality show na Survivor.
Nakikiusap naman si Mayor Nelson Robinion para sa kooperasyon ng mga residente lalo na ang mga grupo na direktang may hawak sa operasyon ng Palaui Island na siguraduhin na nasusunod sa lahat ng oras ang mga inilatag na protocols ng PAMB.