Simbahang Katoliko, nananawagan ng kapayapaan sa Basilan kasunod ng mga pagsabog sa lalawigan

Nananawagan ng kapayapaan sa Basilan ang isang pinuno ng simbahang Katoliko sa naturang lalawigan kasunod ng nangyaring kambal na pagsabog sa Isabela City, Basilan noong Lunes ng gabi.

Ayon kay Bishop Prelate Leo Dalmao ng Prelature ng Isabela de Basilan, kinokondena niya ang insidente at hiniling sa bawat isa na ipagpatuloy ang pagsuporta sa lahat ng pagsisikap na mamuhay sa mapayapang kapaligiran at magtulungan upang mapanatili ang kapayapaan.

Aniya, ang Basilan ay umuunlad sa ekonomiya, panlipunan at pulitika na may kapayapaan na nagpapahintulot sa mga negosyo na umunlad at ang mga tao ay namumuhay nang pantay-pantay anuman ang pananampalataya at kultura.


Matatandaan, tatlo ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pagsabog sa Isabela City, Basilan kung saan naganap ang unang pagsabog sa Isabela City Proper at sinundan sa terminal ng bus na nasugatan ang isang vendor at dalawang security guard.

Una nang inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na itinaas na sa full alert status ang buong bansa.

Ito ay kasunod na rin ng mga serye ng pagpapasabog sa Mindanao.

Facebook Comments