Simulation exercise sa pagbabakuna sa edad 5-11 taong gulang, isinagawa sa National Children’s Hospital

Kasunod nang inaasahang pag-arangkada ng bakunahan sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang bukas, nagsagawa ng simulation exercise hinggil dito ang National Children’s Hospital.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Moriel Creencia, Medical Chief ng National Children’s Hospital na naging maayos naman ang simulation exercise kanina.

Lahat aniya ng taong involve sa gagawing pagbabakuna ay well trained at ininspeksyon din nila ang bawat lugar tulad ng vaccine registration, counseling area, vital signs monitoring, mismong lugar na pagbabakunahan at assessment area o yung monitoring area matapos mabakunahan ang bata.


Tiniyak din nilang mayroong telebisyon sa monitoring area upang hindi mainip ang mga bata.

Mas malaki rin ang vaccination site dahil paniguradong maliban sa magulang ay mayroon ding kasamang iba pang kamag-anak na titingin sa batang babakunahan.

Kasunod nito, handang-handa na aniya sila sa National Children’s Hospital sa roll out ng vaccination program sa mga batang edad 5-11 taong gulang na mag-uumpisa bukas.

Facebook Comments