Buo ang pag-asa ni Senator Win Gatchalian na sapat ang nalalabing 9 na araw na session o tatlong linggong nalalabi sa 17th Congress para maipasa ang panukalang itaas ang buwis na ipinapataw sa sigarilyo.
Ipinunto pa ni Gatchalian na malaking bagay din ang pagsertipika ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala bilang urgent.
Bukod dito ay binanggit din ni Gatchalian ang suporta sa panukala ng Dept. Of Health, Dept. Of Finance at mga health advocates.
Sabi ni Gatchalian, mula 60 hanggang 90 pesos kada pakete ng sigarilyo ang increase na isinusulong sa senado na mas mataas sa ipinasa ng kamara.
Diin ni Gatchalian, mahalagang maitaas ang buwis sa tobacco products dahil ang koleksyon mula dito ngayon ay hindi rin sapat sa halagang ginagastos ng pamahalaan sa pagpapagamot sa mga may sakit dahil sa bisyong paninigarilyo.
Bukod kay Gatchalian, ay naghain din ng panukala para sa sin tax increase sina Senators Manny Pacquiao at JV Ejercito.