Manila, Philippines – Kasong robbery with homicide ang isinampang kaso laban sa pangunahing suspek sa pagpatay sa Assistant Special Prosecutor ng Office of The Ombudsman na si Atty. Madonna Joy Ednaco-Tanyag.
Kinilala ni Quezon City Police Director C/Supt. Joselito Esquivel ang suspek na si Angelito Avenido jr., na naaresto sa ilalim ng follow up operation sa Brgy. Culiat sa Quezon City.
Nakuha mula sa suspek bilang mga ebidensiya ang isang Oppo mobile cellphone, P9,000-cash, itim na coin purse na may susi, dalawang itim na pitaka na naglalaman ng mga IDs ng biktima.
Bago ito ay dalawang persons of interest ang kanilang kinustodiya kagabi upang imbestigahan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na pagnanakaw umano ang motibo sa pagpatay sa biktima na tinawag ng pulisya na “robbery gone wrong.”
Sinasabing bumili lamang ng milk tea ang ginang at pagbalik nito sa sasakyan ay agad itong pinagsasaksak ng mga suspek sa harapan ng lottery outlet sa Visayas Avenue, Barangay Vasra.
Pero hindi na ito umabot pa ng buhay sa East Avenue Medical Center.