Cauayan City, Isabela- Timbog ang pitong (7) miyembro ng sindikato na sangkot umano sa pagbebenta ng pekeng ginto at palladium bars sa ikinasang entrapment operation sa Santiago City, Isabela kahapon, Nobyembre 29, 2020.
Batay sa pakikipag-ugnayan sa Police Regional Office No. 2, una na silang nakatanggap ng reklamo mula sa isang engineer na nakilalang si Felido Bautista kaugnay sa pagbebenta sa kanya ng palladium bar na tinatayang nagkakahalaga ng P10 milyong piso hanggang sa mabatid na isa pala itong peke.
Nakilala naman ang mga naaresto na sina Rico Callueng, 56 anyos, isang contractor at residente ng Fugo, Tuao, Cagayan; Apolinario Basanes, 55 anyos, at residente ng Baritao, Manaoag, Pangasinan; Arnold Villasis, 42 anyos, isang businessman at residente ng Zone 7, Bessang, Allacapan, Cagayan; Angel Lacson, 49 anyos, driver, at residente ng San Francisco, Magalang, Pampanga; Edelina Patio, 50 anyos at residente ng Sapang Maysa, Mexico, Pampanga; Rodolfo Pascua, 66 anyos at Jayson Pascual, 30 anyos, na kapwa residente ng Marabulig 2, Cauayan City.
Magkatuwang na isinagawa ang operasyon ng CIDG Regional Field Unit 2, CIDG Santiago City Field Unit, Intelligence Unit ng SCPO, Santiago Traffic Group, Santiago CMFC, Enrile at Solana Police Station sa isang lote sa Brgy. Villasis sa lungsod.
Kinumpiska naman mula sa mga suspek ang ilang sasakyan na kanilang ginamit at ang bundle ng boodle money na genuine bill na ginamit sa transaksyon.
Bukod dito, narekober naman kay Callueng ang kalibre 45 na baril at mga bala maging ang 2 bars ng Palladium na may bigat na 217 kiograms bawat isa.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na si Callueng ang pinuno ng Rico Callueng Gang na newly identified criminal group na sangkot sa pagbebenta ng pekeng ginto sa Cagayan at Isabela.
Nahaharap naman sa kasong Syndicated Estafa at Robbery Extortion ang mga suspek na nasa pangangalaga ngayon ng otoridad.
Pinuri naman ni PRO2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves ang matagumpay na operasyon ng mga kapulisan ng rehiyon.