
Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Singapore ang naging tulong ng Singaporean government sa repatriation ng 24 overseas Filipinos na na-stranded sa Jeddah, Saudi Arabia sa harap ng giyera sa Middle East.
Ang naturang mga Pilipino ay dumating sa Singapore kaninang madaling araw mula Jeddah sakay ng Singapore-chartered flight.
Sila ay personal na sinalubong sa Changi Airport Terminal 2 ni Singaporean Senior Minister of State for Home Affairs and Acting Minister-in-charge of Muslim Affairs Associate Professor Muhammad Faishal bin Ibrahim.
Ayon kay Philippine Ambassador to Singapore Medardo Macaraig, ang mga dumating na Pinoy repatriates ay kinabibilangan ng 9 na lalaki at 15 babae.
Ang 24 distressed OFWs ay naipit sa Jeddah dahil sa limitadong flights palabas ng Saudi Arabia bunga ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ngayong araw naman dadating ng Pilipinas ang OFWs sakay ng magkahiwalay na flight via Cebu Pacific.
Ang unang batch ng 15 OFWs ay dadating sa NAIA 3 ngayong 2:45 PM , habang ang ikalawang batch na binubuo ng 9 OFWs ay dadating sa Manila mamayang 10:15 PM.










