SINIGURADO | DTI – tiniyak na patuloy ang kanilang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa

Manila, Philippines – Inihayag ng Department of Trade and Industry na patuloy ang kanilang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Ito ay sa harap narin ng reklamo ng marami sa ating mga kababayan sa pagtaas ng bilihin na dulot umano ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez sa briefing sa Malacañang kanina, patuloy ang pagiikot ng DTI sa mga pamilihan para tiyakin na nakasusunod ang mga ito sa kanilang itinakdang suggested retail price.


Binigyang diin ni Lopez na batay sa kanilang monitoring ay nasa tama naman ang presyo ng bilihin at maliit lamang ang naging epekto sa mga produkto ng TRAIN Law.

Pinayuhan din nito ang publiko na para mas makamura sa bilihin ay mas mainam na bumili sa mga supermarket.
Sinabi nito na kabilang sa kanilang mga binabantayan o ang mga produktong may SRP ay ang mga pangunahing bilihin tulad ng tinapay, gatas, kape, delata, sabong panligo at sa kusina.

Binigyang diin din naman ni Lopez na hindi TRAIN Law ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bilihin dahil ang tunay na dahilan nito ay ang presyo ng langis sa world market.

Facebook Comments