Nakamit ni University of Sto. Tomas (UST) Growling Tigresses team captain Sisi Rondina ang korona ng Most Valuable Player (MVP) award para sa UAAP Season 81 Women’s Volleyball division tournament.
Nakapagtala siya ng 17.7 puntos kada laro, 33.38 spiking percentage at 3.98 digs kada set. I-uuwi rin niya ang Best Scorer at Second Best Open Spiker award.
Paparangalan naman bilang Rookie of the Yeat at 1st Best Outside Spiker ang kasamahan ni Sisi sa koponan na si Eya Laure. Meron siyang record na 16.43 puntos kada laban at 35.90 attack accuracy.
Itinanghal na Best Opposite Spiker ang star player ng Ateneo de Manila University na si Kat Tolentino dahil 14.2 puntos, 30.23% attack accuracy at 0.63 kill block per set ang kanyang naiambag sa grupo.
Nanalo ng 1st Best Middle Blocker award ang graduating player ng National University na si Roselyn Doria at pumangalawa si Maddie Madayag ng Ateneo de Manila University.
Kahit nasa bottom 4 ang University of East, nakasungkit ng parangal ang dalawa nilang manlalaro. Nakuha ni Lai Bendong ang Best Setter award na meron 6.81 sets per frame at si Kath Arado naman ang Best Libero dahil siya ang nanguna sa digging at reception.
Si Princess Robles mula naman sa National University ang Best Server dahil sa kanyang malulupit na 0.48 percent service aces.