Manila, Philippines – Sisimulan nang ipamahagi sa buwan ng Hulyo ang subsidiya ng gobyerno sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Sa ginanap na roundtable discussion, napag-usapan ng mga ahensyang tutugon sa social protection na ibigay na ang P2,400 na unconditional cash transfer o UCT at fuel vouchers sa ilalim naman ng Pantawid Pasada Program hanggang sa katapusan ng Hulyo.
Aabot sa 8 milyong pamilya ang makikinabang sa unconditional cash transfer mula sa DSWD.
Samantala, nasa P977 Million naman ang inilaan ng DOTR na budget para sa Pantawid Pasada Program kung saan ang government subsidy ay ilo-load sa debit card na ipapamahagi ng LTFRB sa mga benepisyaryo.
Maliban sa UCT at fuel vouchers, pinaplano na rin ang pamamahagi ng social benefits card kung saan bibigyan ng diskwento sa bibilhing bigas, pamasahe at bibigyan din ng free skills training ang mga unemployed, minimum wage earners at 50% ng poorest population.
Layunin ng social protection program na makaagapay at makaluwag ang publiko sa epekto ng nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo dahil sa TRAIN.