Sistema ng gobyerno sa pag-iingat at pananagutan ng mga nagmamay-ari ng baril, dapat ireview sa harap ng mga nangyayaring school shootings

Isinulong ng mga kongresistang kasapi ng Akbayan Reform Bloc ang pagreview sa sistema ng gobyerno kaugnay sa pag-iingat at pananagutan ng mga nagmamay-ari ng baril.

Nakapaloob ito sa House Resolution No. 1468 na inihain nina Akbayan Party-list Reps. Chel Diokno, Percival Cendaña at Dadah Ismula, kasama si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Hirit nila ito sa kasunod ng tatlong insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban, Zamboanga at South Cotabato kung saan ang mga baril na ginamit ng mga menor de edad na sangkot ay pag-aari ng isang police staff sergeant, opisyal ng Bureau of Customs at empleyado ng Department of Education.

Giit ni Rep. Diokno, kailangan nang kumilos ang ating pamahalaan upang mapigilan ang ganitong mga insidente.

Paliwanag ni Diokno, hindi sapat na may tala o record lang kanino nakatalaga ang mga baril dahil ang dapat ay matiyak na ang bawat baril ay maayos na iniingatan, nababantayan, at hindi maaring mapasakamay ng mga hindi awtorisadong tao tulad ng mga kabataan.

Inaatasan din ng resolusyon ang Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office na magsagawa ng komprehensibong safety audit at physical accounting ng lahat ng mga baril na inisyu, pag-aari at taglay ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan.

Facebook Comments