Sitwasyon ng healthcare workers na tinatamaan ng COVID-19, dapat bantayan muna bago iklian ang kanilang quarantine period

Iginiit ni Senator Imee Marcos sa pamahalaan na bantayan muna nang husto ang sitwasyon ng healthcare workers na Pilipino na tinatamaan ng COVID-19 bago iklian ang pag-quarantine sa kanila.

Mungkahi pa ni Marcos, huwag lang tayong gaya-gaya sa Amerika.

Ipinunto ni Marcos na may mga bakuna sa Pilipinas na wala sa listahan ng mga aprubadong bakuna sa Amerika, kaya maaring iba ang sitwasyon sa atin.


Mensahe ito ng senador kasunod ng pasya ng Department of Health (DOH) na iklian ang quarantine period ng mga fully vaccinated na healthcare workers na tinamaan ng COVID.

Layunin nito na matugunan ang kakulangan ng manpower sa mga ospital at health facilities ngayong mabilis na tumataas ang COVID-19 cases sa bansa.

Diin ni Marcos, sa pagmamadali na maibalik sa kanilang mga tungkulin ang mga healthcare worker ay baka mas mabilis din na mapasubo sila sa peligro at mas lumala pa ang sitwasyon.

Paliwanag pa nito, hindi lang sobrang pagod sa trabaho ang mga healthcare worker dahil sobrang pagod na rin sila sa kahihintay ng kanilang mga hazard pay at Special Risk Allowance.

Facebook Comments