Surigao Del Norte , Philippines – Idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Caraga na drug-free barangays ang Capayahan, Cawilan, Del Rosario, Marga, Motorpool, Poblacion, San Isidro, San Pablo at Brgy. Timamana bayan ng Tubod, Surigao Del Norte.
Ayon kay PDEA Caraga Regional Director Gilbert Buenafe maliban sa una nang deklarasyon ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa pamamagitan ng isang resolusyon, may mga proseso na pinagdaanan bago pa man dineklara ng oversite committee na drug free ang naturang mga barangay kung saan nagkaroon ng signing of certificates kanina.
Ito ay matapos na matiyak na walang naitatalang kaso o wala ni isa mang residente sa naturang mga barangay ang nasasangkot sa paggamit o pagbebenta ng iligal na droga.
Bago pa man ang pormal na deklarasyon kanina na dinaluhan ni Asec. Ricardo Quinto, Deputy Director General for Operation ng PDEA, nagkaroon muna ng unity walk sa bayan.