*Tuguegarao City* – Siyam na kasapi ng milisyang bayan na kinabibilangan ng walong lalaki at isang babae ang sumuko kahapon, September 23, 2019 sa Regional Headquarter ng Police Regional Office 2 (PRO2).
Ayon kay Regional Director PBGEN JOSE MARIO M ESPINO, ang siyam na miyembro ng organong pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng Bagong Hukbong Bayan ay galing sa Gonzaga, Cagayan.
Bitbit ng mga ito ang pitong baril, isang hand grenade, isang rifle grenade at ilang mga bala.
Giit ni RDP/BGEN ESPINO, boluntaryo ang pagsuko ng siyam na miyembro ng milisiyang bayan.
Bahagi umano ito ng matagumpay na dayalogong isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division, PRO2; NICA RO2, NISG NL; Regional Intelligence Unit 2; Naval Forces Northern Luzon, Marine Battalion Landing Team 10; RMFB2; G2, 5ID; S2, Cagayan PPO and MIG2.
Pansamantalang hindi pinangalanan ang mga sumukong MB para sa kanilang kaligtasan.
Kasabay ng pagsuko ng mga ito, muling nanawagan si RDP/BGEN ESPINO sa lahat ng kasapi ng CPP NPA at iba pang puwersa ng rebolusynaryong pangkat na ibaba na ang kanilang armas at sumuko na sa pamahalaan.
Ayon pa sa Heneral ay para makamtan na ang matagal nang minimithing katahimikan.
Ang Milisyang Bayan o kilala sa tawag na MB ay mga kasapi ng CPP na may direct reporting sa NPA. Sila ang mga kumikilos sa mga sentrong bayan at kalunsuran.
Sila rin ang mga pinagkakatiwalaang nagsasagawa ng operasyong militar sa labas ng kanilang mga kampo.
Sa ngayon ay sasailalim ang siyam na sumuko sa debriefing, dokumentasyon at psycho social intervention bago ang kanilang enrollment sa programang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.