Siyam na NPA, Patay sa Bakbakan

Patay ang siyam na kasapi ng New People’s Army sa nagyaring labanan sa pagitan nila ng mge elemento ng 84th IB, 7ID, Philippine Army.

Ayon sa ulat na nakalap ng RMN Cauayan News team mula kay 1Lt Catherine E Hapin ng Public Affairs Office ng 7ID, Philippine Army, nangyari ang bakbakan matapos iulat ng mga residente na may 15 NPA na umanoy nangingikil sa Sitio Barat, Barangay Burgos, Carranglan, Nueva Ecija bandang 7:25 ng umaga ng Setyembre 20, 2017.

Rumesponde agad ang 84th IB sa pamamagitan ng utos ni 703rd Brigade Commander Colonel Abraham Claro C Casis at tinungo ng Charlie Company ang lugar. At habang sila ay papalapit sa encounter site ay binaril sila umano ng mga rebelde na siyang pinagmulan ng labanan.


Pagkatapos ng engkuwentro na umabot sa dalawang oras ay nakita ang siyam na bangkay ng mga NPA na hanggang ngayon ay di pa malaman ang pagkakakilanlan.

Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang sampung malalakas na armas at siyam na backpacks na may lamang mga subersibong dokumento.Isang sundalo ang nasugatan sa naturang bakbakan na ngayon ay nilalapatan ng lunas.

Ayon pa sa kalatas mula sa 7th Infantry Division ay agad ipinag utos ni Major General Angelito M De Leon, ang kumander ng 7th Infantry Division, Philippine Army ang pagtugis sa natitira pang mga rebelde upang maiwasan pa umano ang pinsalang puede nilang gawin sa mga proyekto ng gobyerno.

Pinapurihan naman ni Major General Emmanuel B Salamat, Commander ng Northern Luzon Command ang mga tropa niya sa kanilang dedikasyon at pagsusumiklap sa kanilang trabaho.

Ang Carranglan sa Nueva Ecija ay panghuling bayan malapit sa hangganan ng Nueva Viscaya at Pangasinan.

Facebook Comments