Siyam sa kada 10 Pilipino ang mas gumagamit ng digital payments ngayong panahon ng pandemya dahil sa COVID-19.
Sa isang online survey na isinagawa ng PayPal, lumabas na 87% ng mga Pinoy ang nagsabing mas gusto nila ang pagbabayad ng online kaysa sa cash upang makaiwas sa COVID-19.
Ayon sa PayPal, 44% sa mga respondent ay ginagamit ang digital sa pagbabayad ng mga house bill at 36% naman sa mga pamilihan.
Dagdag pa, simula Mayo hanggang Agosto ngayong taon, 61% ng mga kalahok sa survey ang nagsabing bumibili sila sa mga international merchant na ang karaniwang pambili ay sa fashion (41%) at technology (34%).
Nalaman din sa survey na pito sa 10 ang plano na ipagpatuloy ang pagbili sa mga international merchant sa darating na tatlong buwan.
Batay din sa survey, 99% ang nagsabing balak nilang panatilihin ang paggamit ng mga digital payments kahit mas lumawag o alisin na ang quarantine status ng bansa.
Ang 2020 PayPal Consumer Insights Survey ay isinagawa kasama ang 500 na mga Pilipino sa pamamagitan ng online survey na may layuning malaman ang epekto ng COVID-19 sa mga lokal na pag-uugali sa pagbabayad.