Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa higit 400 na mga estudyante mula sa barangay Labinab sa Cauayan City ang mabibigyan ng school supplies na handog ng Sangguniang Kabataan (SK) sa pangunguna ng kanilang SK Chairman Jayson Purificacion.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SK Chair Purificacion, kasalukuyan aniya ngayon ang kanilang distribusyon sa 436 pax ng school supplies o Edukits sa mga mag-aaral mula elementarya hanggang Senior High school.
Ipinasakamay ng SK Labinab ang nasa 182 pax ng school supplies sa Labinab Angeles Elementary school kung saan malugod itong tinanggap ni G. Juan Gammad, Head Teacher III ng nasabing paaralan.
Ang mga estudyante na nasa Grade 1 hanggang 3 ay makakatanggap ng tig- isang (1) krayola, tatlong (3) lapis, tatlong (3) pad ng papel, isang (1) folder at tatlong (3) notebook.
Kukunin ng magulang sa nasabing paaralan ang EduKit ng anak na nag-aaral sa elementarya.
Tatanggap naman ang 179 na Junior High at 75 na Senior high students ng tig-isang (1) folder, dalawang (2) pad ng papel, dalawang (2) stabilo, isang (1) correction tape, limang (5) ballpen, isang (1) cellphone stand, at isang (1) earphone.
Ang mga nasabing school supplies ay kukunin naman ng mga junior at senior high students sa barangay hall.
Ayon pa kay SK Purificacion, umaabot sa Php150,000.00 ang kanilang inilaan na pondo para sa nasabing proyekto.
Pinasalamatan naman ni Purificacion ang mga opisyal ng barangay at Purok Leaders sa pagkuha ng mga pangalan ng bawat estudyante sa Labinab para sila ay mabigyan lahat ng mga gamit sa pang-eskwela.