SK Sta. Catalina, Inilunsad ang ‘Kalinga sa Balik-Eskwela Project’

Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin sa pagtugon para sa ginagawang paghahanda ng mga guro ang isang pinuno ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Sta. Catalina, City of Ilagan, Isabela.

Ito ay matapos mamigay ng ilang pangunahing kagamitan gaya ng bond paper na siyang pandagdag sa paggawa ng mga learning-module ng mga guro sa ngayong nalalapit ang pagbubukas ng klase.

Ayon kay SK Chairman Melvin Adurable, maliit man na ambag para sa iba ang kanilang naibigay ngunit malaking tulong ito para magamit ng mga mag-aaral na bahagi ng kanilang new normal.


Aniya, hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga guro sa pagtugon sa ganitong hamon lalo pa’t kinabukasan ng mga estudyante ang siyang kanilang tungkulin para sa mas kalidad na pagbibigay ng edukasyon.

May mga boluntaryong tumulong para higit pang madagdagan ang ilang material supplies na ipinamigay sa mga paaralan ng Sta. Catalina Elementary School at Rang-Ayan National High School.

Giit pa ni Adurable, kailangan ngayon ng pakikiisa lalo na sa iba’t ibang makabagong pamamaraan sa larangan ng edukasyon.

Bukod dito, namigay din ng face mask ang kanilang grupo upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.

Batid nito ang hirap ng mga guro lalo pa’t inspirasyon niya ang mga ito sa pagtupad ng kanyang pangarap bilang isang lisensyadong guro sa makabagong henerasyon.


Facebook Comments