Cauayan City, Isabela- Bubuksan na sa publiko ang ilang piling sinehan ng SM Supermalls simula bukas, October 14 sa mga lugar na nakapasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) kasunod ng mga panuntunan ng Inter-agency Task force (IATF).
Kinabibilangan ito ng mga lugar ng Angono, Bacoor, Baguio, Baliuag, Cabanatuan, Calamba, Cauayan City, CDO Downtown, Dasmariñas, Davao, Lanang, Legazpi, Lucena, Marilao, Masinag, Molino, Naga, Olongapo Central, Pampanga, Rosales, San Jose, San Mateo, San Pablo, Santa Rosa, Tarlac, Taytay, Telabastagan at Trece Martirez.
Ayon kay Steven Tan, Presidente ng SM Supermalls, prayoridad ng pamunuan ang kaligtasan ng mga magtutungo sa mga sinehan maging ang kanilang mga empleyado.
Aniya, sinisiguro din ng pamunuan ang pagpapaigting sa sanitation protocols at mga safety procedure gaya ng pagsunod sa social distancing.
Inilunsad naman ang kanilang #SafeandFunMovieWatching kasabay ng pagtitiyak sa publiko para sa worry-free movie experience ng mga ito.
Sa lahat ng mga manonood, kinakailangan isuot ang face masks at face shields habang oobserbahan din ang pagitan sa pag-upo.
Magkakaroon din ng daily screenings para sa pagtitiyak ng kalinisan sa loob ng sinehan habang nakapwesto rin ang mga disinfectant dispensers na siyang magagamit ng mga tutungo dito.
Hinihikayat naman ng SM Cinema ang publiko para sa cashless transactions sakaling bibili ng mga ticket sa pamamagitan ng kanilang website at mobile app maging ang paggamit ng touch-free payment methods.
Kinakailangan din ang pag-scan ng QR Code na matatagpuan sa lobby ng sinehan habang mananatili ang ilang panuntunan para sa ligtas na panonood.
Layunin ng SM Cinema ang ibalik ang saya sa muling pagbubukas ng mga sinehan kasabay ng ‘new normal’.
Ilan naman sa pelikula na pwedeng abangan ng publiko ang mga sumusunod: “Break The Silence: The Movie”, the latest film from global K-Pop superstars BTS maging ang Digimon, An SM Exclusive Japanese Anime, Train to Busan Peninsula at My Spy.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa SM Cinema safety protocols at mga latest movie updates, mangyaring sundan sila sa facebook (SMCinema) at sa Instagram (@SM_Cinema)
Maaari ka na ring magpa-book ng ticket sa www.smcinema.com o idownload ang SM Cinema app.