Kasong cyber libel at child abuse o paglabag sa Republic Act 7610 ang isinampang reklamo ng negosyanteng ni Rose Nono-Lin sa National Bureau of Investigation.
Kasama ng kanyang abugado nang magtungo sa NBI- Anti Cybercrime Division si Lin para ireklamo ang ilang tinukoy na mga Facebook page.
Sabi ni Lin, inaakusahang umano’y drug lord ang kanyang mister na si Wei Xiong Lin na isang lehitimong negosyante.
Apektado na rin aniya ang kanyang mga anak na pawang mga menor de edad dahil idinadawit ang mga ito sa usapin.
Ayon kay Lin, patuloy na ginagatasan ng mga troll ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan at ng kumpanyang Pharmally Biological sa kaso ng Pharmally Pharmaceutical na kasalukuyang dinidinig sa Senado.
Malinaw aniya na ginagamit ang ganitong uri ng mga post para sirain ang kanyang pangalan habang papalapit na ang eleksiyon.
Sa ilalim ng RA 10175 o “cybercrime prevention act of 2012,” maaring mapatawan ng pagkakakulong na anim hanggang 10 taon ang sinumang maninira sa kapwa sa social media.
Si Lin ay tumatakbo bilang kinatawan ng distrito singko ng Quezon City sa ilalim ng partidong Malayang Quezon City.