Solano, Nueva Vizcaya, Isinailalim sa General Community Quarantine

Cauayan City, Isabela- Nakasailalim sa 10-araw na General Community Quarantine (GCQ) ang Solano, Nueva Vizcaya dahil sa dumaraming nagpopositibo sa COVID-19.

Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 13 na pinagtibay ni Mayor Eufemia Dacayo.

Nakasaad sa kautusan ang pagpapatupad ng granular lockdown sa mga lugar sa bayan na may positibong kaso ng virus kasabay ng implementasyon sa 24-oras na curfew para sa mga Unauthorized Persons Outside Residence (UPOR).


Maliban dito, sisimulan rin ang limitadong schedule Market days sa March 29, araw ng lunes upang masigurong masusunod ang minimum health standard sa mga magtutungo sa pampublikong palengke habang ipinagbabawal naman ang pagbebenta ng mga tindera ng Talipapa sa bawat barangay.

Samantala, kinakailangang sumailalim sa health assessment ang mga indibidwal na magtutungo sa bayan mula sa ibang mga probinsya na isasagawa ng Rural Health Unit (RHU) at tanging mga makikitaan ng sintomas ang sasailalim sa quarantine.

Nagpatupad rin ng liquor ban ang lokal na pamahalaan habang umiiral ang nasabing kautusan hanggang Abril 4.

Sa ngayon ay mayroon ng 65 aktibong kaso ng COVID-19 ang bayan ng Solano.

Facebook Comments