Solidong suporta ng mga taga-South kay BBM, tiniyak ng Partido Federal

Nilinaw ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na wala pang kumpirmasyon ang mga ulat na magdedeklara ng kandidatura sa pagkapangulo si dating Senador Bongbong Marcos ngayong araw.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PFP President at South Cotabato Gov. Reynaldo ‘Jun’ Tamayo na bago matapos ang araw na ito ay umaasa silang maglalabas ng desisyon si Marcos.

Tiniyak naman ni Tamayo ang solidong suporta ng mga taga-South kay Marcos.


“Meron kaming tao sa halos lahat ng LGU, umaabot na tayo sa 1.5 hanggang 2 million members,” ani Tamayo.

“Eto nga, talagang lumalakas na ang ating presidente, Bongbong Marcos dito sa Mindanao lalong lalo na sa mga regions na nailatag na natin yung membership, nailatag na ang principles doon sa baba,” dagdag niya.

Matatandaang itinalaga ng partido si Marcos bilang kanilang standard bearer sa 2022 presidential elections.

Ayon kay Tamayo, bukas sila sa posibleng tambalan nina Marcos at Pangulong Rodrigo Duterte na tatakbo namang vice president sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban Cusi Faction.

Gayunman, ipinauubaya na nila kay Marcos ang pagpili ng kaniyang magiging running mate.

“Kung talagang sa tingin niya ay yun ang makakabuti sa pagpapatakbo niya ay talagang andyan ang suporta ng Partido Federal. Ang importante sa amin, makakasundo niya, makakatrabaho niya nang mabuti at talagang ma-align yung vice president sa kung ano man ang takbo if ever na maging pangulo siya ng Pilipinas,” saad pa ni Tamayo.

Facebook Comments