
Muling pinagtibay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangako nito na suportahan ang mga solo parent sa buong bansa.
Ayon kay Assistant Secretary Ada Colico ng DSWD Statutory Programs ang naturang hakbang ay sa pamamagitan ng mga benepisyong makukuha sa ilalim ng Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.
Paliwanag pa ni Colico na kabilang sa pinakamahalagang probisyon ng batas ay ang mga solo parent na kumikita ng mas mababa sa ₱250,000 taun-taon.
Dagdag pa ni Colico may karapatan sila sa 10% discount at VAT exemption sa ilang pangangailangan at produkto tulad ng gamot, bitamina, medical supplies, diaper at gatas ng mga bata.
Giit nito na mayroong karapatan din ang solo parents sa parental leave, bukod pa sa leave privileges sa ilalim ng umiiral na batas at ang muling pagpasok sa workforce partikular ang solo mother.
Bukod pa rito ang buwanang cash subsidy para sa low-income solo parents; pagbibigay-prayoridad sa Low-Cost Housing Programs; flexible work schedules; at scholarship programs para sa solo parent at sa kaniyang mga anak.









