Napuna ni opposition Senator Risa Hontiveros na walang binanggit si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA ukol sa pagsugpo sa korapsyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Paliwanag ni Hontiveros, sangkatutak ang plano at malalaking proyekto lalo na sa imprastraktura na binanggit ni Pangulong Marcos.
Diin ni Hontiveros, bubuhusan ito ng malaking pondo na maaring maging bukas sa katiwalian.
Tinukoy ni Hontiveros ang mga nangyaring pandarambong at katiwalian sa pamahalaan sa mga nakalipas na dekada na nakaapekto sa mabuting pamamahala at demokrasya.
Para kay Hontiveros, hindi rin malinaw ang economic roadmap o ang detalye kung paano maaabot ang mga economic targets ng administrasyon.
Samantala, tinutulan naman ni hontiveros ang nais ni Pangulong Marcos na gawing mandatory sa senior high school ang Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Naniniwala si Hontiveros na hindi ito ang pinakamahusay na training para sa mga kabataan dahil may paraan namang maitanim sa mga kabataan ang pagmamahal sa bayan.
Sa tingin ni Hontiveros, mas akma ang ROTC para sa may passion o hangarin na mapabilang sa military service.
Ikinatuwa naman ni Hontiveros ang pagbanggit ng pangulo sa pagsusulong ng renewable energy at ang pagtiyak sa social protection o tulong sa vulnerable sectors gaya ng solo parents.