Cauayan City, Isabela- Nananatili pa rin na matatag ang lahat ng mga opisyal ng Lalawigan ng Quirino matapos ang ilang buwan ng nakakalipas na wala pa ring naitatalang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019.
Ito ang ipinagmalaki ni Governor. Dakila Carlo ‘DAX’ Cua sa kanyang virtual State of the Province Address kahapon.
Ayon kay Cua, hindi makakabalik sa normal ang mundo kung ang babalikan ay ang kawalan ng trabaho, hindi makapagbenta ang mga magsasaka sa tamang presyon ng kanilang mga produkto, patuloy na nagtatapon ng basura ang ilan sa mga ilog at kung magpapatuloy pa rin ang pagsira sa kagubatan.
Ipinunto pa ng gobernador na kung ang isang pamayanan ay wala pa ring nakikitang plano at kung magpapatuloy pa rin ang mababang achievement tests ng mga mag-aaral sa math, science at reading kung ikukumpara sa iba pang bansa sa asya na ‘di hamak na mas mataas.
Giit niya, ilan din sa dahilan ay ang kawalan ng internet connection sa iba pang lugar sa probinsya at maging kakulangan sa mga infrastructures na higit na kailangan para maging competitive sa information age.
Sa usapin ng pangkalusugan, asahan na ang pagpapalawig sa mga healthcare facilities sa probinsya at mapanatili ang kapasidad ng mga healthcare workers.
Ipagpapatuloy din aniya ang pagbili ng mga makabagong gamit sa ospital at pag-aaralan din ang pagbuo ng telemedicine system upang hindi na kinakailangan pang pumunta sa opsital para magpakonsulta ang isang pasyente.
Una nang nakipagpulong si Gov. Cua at kanyang ama na si Congressman Junie Cua sa UP-PGH para alamin kung paano mas mapapaunlad ang usapin sa pangkalusugan na higit na kailangan ng mga Quirinian.