Source code para sa Automated Election System sa May elections, idineposito na sa BSP

Manila, Philippines – Idineposito na ng Commission on Elections (Comelec) sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang source code na gagamitin sa Automated Election System (AES) para sa May 13, 2019 midterm elections.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez – nakamandato ito sa ilalim ng Republic Act 9369 o Poll Automation Law.

Nakasaad aniya sa batas na ang source code ay dapat nasa pangangalaga o kustodiya ng BSP upang matiyak ang integridad nito.


Sinabi ni Comelec Executive Director Jose Tolentino Jr. – nilagdaan ang isang escrow agreement bilang hudyat na nasa pormal nang pangangalaga ng BSP ang source code.

Ang source codes ay nakalagay sa isang selyadong Comelec vault o safety deposit box.

Ito ang mga source codes ng election management system, consolidation and canvassing system at ng vote counting machines.

Tiniyak ni BSP Senior Assistant Governor Dahlia Luna ang seguridad ng source codes.

Ang source code ay human-readable instructions na siyang magdidikta kung ano ang gagawin ng Automated Election System (AES).

Facebook Comments