Speaker Alan Peter Cayetano, tinawag na makasarili ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco; Railroading sa Budget, kinokondena ng mambabatas

204

Kinokondena ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco ang ginawang ‘railroading’ sa budget process ni Speaker Alan Peter Cayetano.

Ito ay kasunod ng ginawang terminasyon ng Kamara sa 2021 General Appropriations Bill (GAB) sabay pag-apruba dito sa ikalawang pagbasa.

Tahasang tinutuligsa ni Velasco ang aniya’y makasariling hakbang ni Cayetano dahil hindi nabigyan ng sapat na panahon ang mga miyembro ng Kamara na busisiin ng husto ang budget ng bawat ahensya ng gobyerno.

Taliwas din aniya sa ginawang pagapruba sa P4.5 trillion 2021 national budget ang naunang pangako ni Cayetano na magiging bukas, transparent, makabuluhan at kapaki-pakinabang sa taumbayan ang pambansang pondo.

Nilabag din umano ni Cayetano ang probisyon ng Konstitusyon sa paggalang sa inter-parliamentary courtesy nang suspendihin nito ang sesyon hanggang sa November 16, 2020 na wala man lamang consent mula sa Senado.

Dahil umano sa mga desperadong aksyon ni Cayetano para manatili sa kapangyarihan ay pilit nitong binabago ang Konstitusyon at house rules na sinumpaan nilang mga mambabatas na poprotektahan at igagalang.

Naniniwala rin si Velasco na batid ni Cayetano na hindi na buo ang tiwala at kumpyansa sa kanya ng mga kasamahang kongresista matapos ang pulong niya noong isang gabi kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan pinayagan siyang tumakbong Speaker at igiit ang karapatan nito sa kasunduan sa hatian ng termino.




Facebook Comments