Manila, Philippines – Pinabubuo na ni House Speaker Pantaleon Alvarez ng task force ang gobyerno para sa mga OFW na maiipit sa sitwasyon sa Qatar.
Ito ay dahil malaki ang tsansang maharap sa diplomatic crisis ang Qatar na sinasabing nagbibigay suporta sa terorismo na naging sanhi ng pagpullout ng relasyon at suporta dito ng bansang Saudi Arabia, Bahrain, Egypt at UAE.
Ayon kay Alvarez, habang maaga pa ay bumuo na ng task force na maglalatag ng contingency measures para sa kaligtasan at kapakanan ng nasa 260,000 OFWs na maaapektuhan ng krisis sa Qatar.
Pinakikilos din nito ang Department of Foreign Affairs sa tulong na rin ng embahada ng Pilipinas sa Qatar na imonitor ang kalagayan ng mga Pilipino sa naturang bansa.
Pinabubukas rin nito sa embahada ang linya ng komunikasyon sa mga Pilipino sakaling kailanganing i-repatriate ang daang libong mga OFWs pauwi ng Pilipinas.
Pinaghahanda rin nito ang gobyerno ng financial support sa mga Pilipinong uuwi mula sa Qatar upang makapagsimula muli dito sa bansa.
Mahalaga aniyang nakahanda ang bansa sa anumang maaaring mangyari sa mga Pilipino doon at huwag ng hintaying tuluyang mauwi sa matinding krisis ang sitwasyon sa Qatar.
DZXL558