Ipinangako ni Speaker-elect Lord Allan Velasco na ibabalik nito ang statesmanship at word of honor sa Kamara matapos ang naging tensyon sa pagitan nila ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano kaugnay sa term-sharing agreement.
Sa naging speech ni Velasco, sinabi nito na pinagpipitagan hanggang sa mga sandaling ito ang mga naiwang alaala at legacy ng mga nagdaang kongresista.
Nararapat lamang aniya na sundan ng mga mambabatas ang kanilang mga yapak at igalang ang mga alaala sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa kanilang “code of honor” na sinumpaan.
Hinimok din ni Velasco ang mga kongresista na ibalik muli ang tiwala at kumpyansa ng taumbayan sa Kongreso na minsang nawala dahil sa mga isyu at girian sa pwesto na naganap nitong mga nakaraan.
Pinahahalagahan din umano niya ang “word of honor” at ang oras na ibinigay sa kanya kaya nanindigan siya na ipaglaban ang Speakership.
Hiniling nito na maging mabuting halimbawa silang mga kongresista sa publiko sa pagtupad ng “palabra de honor” at ang isang pangako o salita ay nangangahulugan ng kanilang pagkakabuklod-buklod.
Samantala, ngayong hapon ay pormal ng nag-convene ang Kamara para ipagpatuloy ang budget deliberation alinsunod na rin sa Presidential Proclamation 1027 ni Pangulong Rodrigo Duterte para pagtibayin na hanggang sa October 16 ang ₱4.5 trillion na 2021 national budget.
Aabot sa 301 na mga kongresista ang present sa unang araw ng special session kung saan 89 dito ay physically present sa plenaryo habang 212 naman ay nasa zoom conference.