All-set na ang isasagawang special elections sa Cavite at plebisito sa Bulacan.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, isasagawa ang special elections sa ika-pitong distrito ng lalawigan ng Cavite sa February 25, 2023.
Ito ay matapos mabakante ang posisyon ni dating Congressman at ngayon ay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Sinabi ni Laudiangco na magiging automated ang halalan sa nasabing distrito kaya’t nakahanda silang mag-imprenta ng mga balota.
Isasagawa naman ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa Disyembre 5 hanggang 6, habang magsisimula ang election period sa Enero 26 na tatagal hanggang March 12, 2023.
Samantala, magsasagawa naman ng plebisito sa Baliuag, Bulacan sa December 17 para malaman kung pabor ang mga residente na gawing lungsod ang kanilang bayan.
Nauna nang nagsimula ang plebiscite period sa lalawigan noong Nobyembre 24 at tatagal ito hanggang December 24, 2022.