Thursday, January 15, 2026

SPOT INSPECTION SA HANAY NG PULISYA SA MALICO, SAN NICOLAS, ISINAGAWA

Isinagawa ang spot inspection sa hanay ng kapulisan sa Malico RBCP sa bayan ng San Nicolas bilang bahagi ng regular na pagbabantay sa disiplina at propesyonal na pagganap ng mga pulis na nakatalaga sa lugar.

Ayon sa ulat, personal na nagsagawa ng visitation at inspeksyon ang officer-in-charge ng himpilan upang ipaalala at ipatupad ang mahigpit na pagbabawal sa pag-inom ng anumang uri ng nakalalasing na alak sa loob ng lugar ng trabaho.

Muling binigyang-diin sa mga tauhan na ang naturang gawain ay mahigpit na ipinagbabawal sa hanay ng Philippine National Police.

Kasabay nito, ipinaalala rin ang umiiral na patakaran na nagbabawal sa lahat ng PNP personnel na makilahok sa anumang uri ng sugal, alinsunod sa mga alituntunin ng organisasyon.

Sa isinagawang inspeksyon, binigyang-pansin din ang tamang asal at kilos ng mga pulis sa loob at labas ng kanilang tungkulin.

Ipinaalala sa mga tauhan ang kanilang obligasyong kumilos nang responsable at propesyonal, alinsunod sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, gayundin sa PNP Ethical Doctrine.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng kahalintulad na aktibidad sa iba’t ibang police outposts sa ilalim ng San Nicolas Police Station.

Facebook Comments