*Cauayan City, Isabela- *Ipinapaalam ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa publiko na naglalaro lamang sa halagang Php26.00 hanggang Php50.00 ang presyo ng mga non-medical grade face shields.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Chary Anne Gauani, Planning Assistant at Information Officer ng DTI Isabela, sinimulan na aniya ng kanilang tanggapan ang makipag-ugnayan sa ilang mga business establishments sa Lalawigan na sundin muna ang Suggested Retail Price (SRP) na inilabas ng Department of Health (DOH) para sa presyo ng mga face shields.
Ang mga binibiling non-medical grade face shields ay hindi dapat lalampas sa presyong Php50.00 na itinakda ng DOH.
Mensahe naman ni Ms. Gauani sa mga online sellers na huwag bumili o tangkilikin ang mataas na presyo ng mga distributors o dealers upang maiwasan ang mataas na patong o overpriced na face shield.
Maaari aniyang magsumbong sa kanilang Facebook page (DTI Isabela) kung may reklamo hinggil sa overpriced na face shield basta’t tiyakin lamang na may ilalakip na sapat at kumpletong ebidensya.