
Iginiit ni Senator Raffy Tulfo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na maging mas maagap at awtomatikong isama ang lahat ng mga drivers na nasa masterlist ng LTFRB para sa pagtanggap ng tulong sa ilalim ng TUPAD “Tuloy Pasada”.
Agad na nakipag-ugnayan si Sen. Raffy kay DOLE OIC Usec. Benedicto Ernesto Bitonio para matiyak na “on-time”, sistematiko at makakarating sa nararapat na benepisyaryo ang nasa P1.2 billion na livelihood assistance ng mga nasa transport sector.
Nakatanggap kasi ng maraming reklamo ang senador tungkol sa pagkuha ng porsyento ng ilang barangay captain sa TUPAD at ang hindi pagoobliga sa mga benepisyaryo na gawin ang requirement na pagwawalis at agro-forestry project para makatanggap ng naturang tulong.
Pinatitiyak ni Tulfo ang malinaw na guidelines at pagtatakda ng qualifications na ipatutupad ng DOLE sa programa upang masiguro ang maayos na proseso, maiwasan ang patronage o pamimili ng beneficiaries at matigil ang maling paggamit ng pondo sa barangay level.
Gayunman, aminado si Bitonio na sa 1.4 million na drivers/operators sa listahan ng LTFRB, nasa 50,454 na PUV drivers lang ang targeted beneficiaries ng TUPAD Tuloy Pasada at ang listahan ay nililinis at bina-validate pa ng DOLE-NCR.
Dagdag pa ng opisyal, bukas naman para sa lahat ng public utility vehicle (PUV) drivers ang programa basta’t hindi pa ito nabibilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).










